November27
Nung isang araw, may mga tinatanong sa akin ang anak namin. Matanong nga naman ang daughter namin pero iba ang mga tinatanong ngayon.
“Mama, who is your crush?”
“Mama, what is your motto?” … “What is motto Mama?”
(Teka, ano ba talaga ang motto para sa isang 7 years old. Ang hirap ipaliwanag.)
“Who is your crush Mama, si Papa ba?”
“Where did you meet your love one”
May hawak siyang isang maliit na notebook at nung tinignan ko kung saan niya nakukuha lahat ng tanong sa akin eh autograph book pala. Binilhan siya ni SK.
Alam niyo, Grade 2 ako unang nakakita ng Autograph Book. At ang meron lang noon yun ay ang mga mayayaman kong kaklase. Nung first time kong sumulat sa isang autograph book, hindi ko alam kung paano gawin kaya halos kinopya ko ang mga sagot sa unang mga sumagot. Except siyempre sa aking age, name, etc.
Hanggang ngayon, kung tinanong ako sa motto ko, ang lagi ko pa ring iniisip ay ‘Try and try until you die’. Yun din ba ang malimit niyong isagot?
Sa tanong na “Who is your crush?” Ang lagi kong sagot diyan is ’secret’.
“What is your favorite color?” - Siyempre basta may ‘favorite’, ang laging sagot diyan ni SQ eh, “Too many to mention”. Naks.
At ito, alam ko ito ang sinasagot niyo rin sa tanong na “What is love?” - Love is blind.
Nung sinabi ko yang ‘love is blind’ na yan sa anak ko, sabi niya sa akin, “Bakit siya blind Mama, kasi ni-run siya with pencil?”
(Lahat ng verb eh dinudugtungan ng anak ko ng ‘ni-’. Halimbawa: Ni-sunog, Ni-ligo, ni-kain, ni-sulat)
At siyempre, di ba may dedication sa huli… Ano ba mga sinusulat niyo dun?
Ako ito mga sinusulat ko : Stay cute, Thanks for letting me sign your autograph book… Tapos talagang ang dami pang ek-ek ng dedication ko. May mga guhit na heart, princess at mga stars. Kung minsan kung sinipag ako, isang farm ang drino-drawing ko. Kung may picture ako, talagang pinagkakasya ko pa sa dedication yun.
Nagkaroon ako ng autograph book nung mga grade 3 ako. Talagang pinag-ipunan ko pa yun ng halos tatlong buwan para mabili ko lang sa Robbins. Sa mga taga-Baguio, alam niyo kung saan yun. Pinipili ko nga ang sasagot dun kasi konti lang ang pages nun. Karamihan ang pinapasulat ko dun eh yung may mga gusto sa akin (nyahaha kapal), at siyempre mga kaibigan ko noon.
Hindi ko alam kung uso pa sa mga elementary or high school student ang mga autograph book. Pero masarap din balikan ang mga ala-ala ng pagkabata at ikwento sa mga anak natin ang mga pinagkaka-abalahan natin nung wala pa ang mga kompyuter, iPod at mga gadgets.